Posible umanong magkaroon ng tensyon sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa pagdating sa Martes ng kontrobersyal na si dating Agriculture Usec. Jocelyn “Joc-Joc” Bolante, ang umano’y utak sa P728-million fertilizer fund scam, dahil sa pag-uunahan ng Senado at National Bureau of Investigation na makuha ang dating kalihim.
Sa Linggo sasakay ng eroplano si Bolante mula Amerika pabalik sa Pilipinas at tinantya na bandang alas-11 ng gabi sa Martes ay nasa NAIA na ito sakay ng Northwest Airlines flight 71.
Gayunman, naghihintay na ang warrant of arrest ng Senado laban kay Bolante, pero may utos si Justice Sec. Raul Gonzalez na idiretso ito sa NBI para sa debriefing.
Kinumpirma sa report na hawak na ngayon ng US Deportation and Immigration si Bolante at inihahanda na ang pagpapauwi rito.
Nilinaw naman ni Immigration Commissioner Marcelino Libanan na wala pang ipinapadalang kalatas ang US Immigration and Naturalization Service at US Marshalls ukol sa eksaktong petsa ng pagpapatapon kay Bolante pabalik sa Pilpinas.
“There is no formal letter yet from the US Immigration and we are still waiting for the notice from the US Marshall Service,” wika ni Libanan.
Ngunit sa kabila ng kawalan ng komunikasyon mula sa US government, naghahanda na rin ang BI sa pagdating ni Bolante ngunit sinabi ni Libanan na limitado lang ang papel ng ahensiya sa dokumentasyon.
Makikipag-ugnayan din ang BI sa Senado sakaling magpasya itong arestuhin si Bolante sa kanyang pagdating.
May warrant of arrest si Bolante mula sa Senado matapos mabigo itong magbigay ng linaw ukol sa kontrobersiyal na fertilizer scam.
Imbes na humarap sa Senado, tumakas si Bolante patungo sa US upang humingi ng asylum ngunit ibinasura ng US court ang kanyang hiling.
Kaugnay nito, hinimok ni Senate President Manny Villar si Bolante na boluntaryong isumite ang sarili sa mga awtoridad at huwag nang maghintay na arestuhin kapag bumalik na ito sa bansa.
Sinabi pa ni Villar na ang pagbalik si Joc-Joc ay magandang kaganapan para sa paghahanap ng katotohanan ukol sa multi-milyong fertilizer fund scam.
Sa parte ng Palasyo, muling iginiit ni Press Secretary Jesus Dureza na hindi tutulungan ng Palasyo si Bolante dahil isa na itong pribadong tao. Ayon kay Dureza, dapat harapin ni Bolante ang mga kasong isinampa laban sa kanya.