May 23 Cebuanong overseas Filipino workers (OFWs) na pawang nakulong sa Trinidad and Tobago ang napalaya at nakauwi na sa bansa matapos na saklolohan ng nagsisilbing “life saver” ng mga manggagawang Pinoy na si Senate President Manny Villar.
Dakong alas-4 ng hapon nang dumating ang mga OFWS sakay ng Qatar Air flight QR flight 646 sa Ninoy Aquino International Airport terminal 1 mula sa nasabing mga bansa. Sila ay sinalubong ng kanilang mga kaanak at kinatawan ng OWWA.
Nakulong ang mga OFW dahil sa sumbong ng dating amo na peke ang kanilang mga dokumento.
Nauna rito, inabandona umano nila ang kanilang amo sa Tobago dahil hindi tinupad ang kanilang kontrata at tinangka silang ilipat sa ibang pagtatrabahuhan sa Trinidad.
Pagdating sa Trinidad, hinuli sila ng mga tauhan ng imigrasyon sa suplong ng tinalikurang amo. Matapos ang kanilang pagdating sa NAIA ay agad silang tumulak patungong Cebu.
Ibinigay sa mga umuwing OFWs ang livelihood assistance mula kay Villar pagdating nila sa NAIA.
Nabatid na humingi ng tulong kay Villar ang pamilya ng mga OFWs upang agad na mailikas ang mga ito mula sa Trinidad. Ang tanggapan ni Cebu Governor Gwen Garcia ang bumili ng tiket sa eroplano ng mga umuwing OFWs.
Ang opisina naman ni Villar ang sumulat sa DFA noong Oktubre 2 para ihingi ng tulong ang mga OFWs. (Ellen Fernando/Butch Quejada)