Binalewala ng Court of Appeals (CA) ang apela ni dating PBA Most Valuable Player at acting coach ng Coca Cola Tigers na si Kenneth Duremdes na naglalayong mapawalang-bisa ang kasal sa kanyang unang misis.
Sa desisyon ni Justice Ramon Garcia ng CA 9th Division, pinaboran nito ang naging hatol ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) Branch 225 na nagbabasura sa petition for marriage annulment na isinampa ni Duremdes para mawalan na ng bisa ang kanyang kasal sa isang Vanessa Cariaga.
Iginigiit ni Duremdes na nagkamali ang trial judge nang ibasura ang naturang petition dahil lamang sa hindi niya pagkakadalo sa pre-trial hearing na unang itinakda ng nasabing korte.
Sinabi pa ni Duremdes na dapat tanggapin ng korte ang kanyang rason lalo pa at may nakasabay na hearing sa Laguna si Atty. Benedicto Malcontento.
Subalit nilinaw ng CA na walang merito ang depensa ni Duremdes lalo pa at maraming counsel ang law firm na maaaring kumatawan kay Duremdes.
Sinabi pa ng CA na dapat ay mismong si Duremdes ang personal na dumalo sa naturang pre-trial na isang mahalagang rekisito sa proseso ng kaso.
Matatandaan na una nang dumulog si Duremdes sa mababang hukuman upang mapawalang-bisa ang kasal niya kay Cariaga matapos na maghain ng kasong bigamya si Cariaga sa piskalya ng Quezon City.
Sa reklamo ni Cariaga, noong Setyembre 6, 1993 ay pinakasalan siya ni Duremdes at muli itong nagpakasal sa isang Teresa Ibasco noong August 15, 1996.
Katwiran ni Duremdes, dapat ipawalang bisa ng CA ang nasabing kasal dahil wala naman siyang pahintulot sa naturang kasalan na hindi niya alam. (Gemma Amargo-Garcia)