Preso dapat payagang makaboto
Dapat payagang makaboto at makalahok sa halalan ang mga bilanggo na hindi pa convicted o hindi pa binababaan ng sentensya ng hukuman.
Ito ang apela kahapon ni CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care Executive Secretary Rodolfo Diamante sa mga mambabatas at sa Commission on Elections (Comelec) kasabay nang paggunita sa Prison Awareness Sunday sa Oktubre 26.
Ayon kay Diamante, hindi pa naman nahahatulan ng hukuman ang mga bilanggong ito kaya’t marapat lamang aniya na bigyan sila ng tsansa na magamit ang kanilang “rights of suffrage.”
Nabatid na umaabot umano sa 70 porsyento ng tinatayang 85,000 bilanggo sa bansa ang maaaring makinabang kung papaboran ng mga awtoridad ang panukala ni Diamante.
Iginiit din ng opisyal na ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga prisonero na makaboto ay isang hakbang din nang pagbabalik ng dignidad sa mga bilanggo, na nagdurusa sa mga bilangguan kahit hindi pa sila nahahatulan ng hukuman.
Samantala, nabatid na sinang-ayunan naman ni Comelec Commissioner Rene Sarmiento ang naturang panukala.
Ayon kay Sarmiento, may karapatan pa rin namang makaboto ang mga prisoner na hindi pa convicted. (Doris Franche)
- Latest
- Trending