Nakabalik na kahapon sa bansa ang kontrobersiyal na si ret. PNP Comptroller Eliseo dela Paz kung saan humingi ito ng tawad sa kahihiyang idinulot niya sa ating bansa at Philippine National Police dahil sa nadiskubreng P6.9 milyon sa kanyang bagahe.
“I apologize deeply to our people and to our government for the untoward incident at the Moscow International Airport that last week touched off an inter national embarrassment for our country,” buong pagpapakumbabang paghingi ng sorry ni dela Paz sa kauna-unahang pagharap nito sa media ilang oras matapos itong dumating sa NAIA.
Bagaman iginiit na wala siyang ginawang anomalya, humingi rin ng paumanhin si dela Paz sa mga kapwa nito delegado sa 77th International Police (Interpol) conference na dumalo sa St. Petersburg, Russia noong Oktubre 6-10 bunga ng insidente.
“ I am ready and willing to face any investigation as I have nothing to hide, the money was acquired legally for a legitimate purpose,“ ani dela Paz kaugnay ng ipinatatawag na imbestigasyon ng Senado at Ombudsman sa mga binansagang Euro generals.
Paliwanag ni dela Paz, pinahintulutan siya para sa pagpapalabas ng P10-M cash advance bonded authority pero P6.93M lamang ang kanilang dala na nai-convert na sa 105,000 Euros para sa standby revolving fund sa nasabing opisyal na biyahe.
Inamin din niya na bukod sa P6.9 milyon na naharang sa kanya ay may dala pa itong P2.3 milyon na nauna nang inaprubahan ng Napolcom.
Pero kahit malaki ang dala nilang pera ay hindi umano sila gumastos sa mga bagay na hindi kinakailangan.
Tiniyak ni dela Paz na sa lalong madaling panahon ay isusumite niya ang liquidation report ng kabuuang ginastos nila sa Russia at ibabalik ang natitirang pondo.
Handa rin anya siyang ipakita ang lahat ng dokumento sa imbestigasyon na naghihintay sa kanya tungkol sa pagdadala niya ng “cash advance.”