18 karneng de-lata negatibo sa melamine
Kinumpirma kahapon ng Bureau of Foods and Drugs (BFAD) na negatibo sa melamine ang may 18-meat products na pawang galing China matapos isailalim ang mga ito sa “melamine test”.
Nakatakdang ilalabas ng BFAD sa Lunes ang nasabing resulta ng pagsusuri pati na ang mga pangalan o brand ng naturang mga meat products.
Magugunita na nitong nakaraang Martes, una ng inihayag ni National Meat Inspection Service (NMIS) executive director Jane Bacayo na ang mga sinusuring mga de lata ay kinabibilangan ng Ma Ling Luncheon Meat, Gulong Pork Luncheon Meat, Great Wall corned beef at isa pang brand na tinatawag na Narcissus.
Lahat umano ng naturang produkto ay inangkat sa China na unang hininalang kontaminado ng nakalalasong kemikal.
Paliwanag pa ni Bacayo, noon pa man ay hindi sila nagpabaya kung saan una na nilang naisumite ang samples ng mga produkto sa mga private laboratories para suriin.
Kasabay nito, muling nagbabala ang BFAD sa mga negosyante na nagbebenta ng mga Chinese milk products na walang English label dahil hindi umano maunawaan ng mga consumers ang nakasaad sa produkto.
Ayon pa sa BFAD na agad kukumpiskahin ng kanilang mga inspector ang mga makikitang ganoong produkto alinsunod na rin sa ipinapatupad na “milk ban” laban sa mga Chinese milk products na kontaminado ng melamine pati na ang mga hinihinalang mga kontaminado ng nasabing nakalalasong kemikal.
Sa kasalukuyan, nananatiling apat ang positibo na kinabibilangan ng Lotte Strawberry Snack Koala Biscuit, Green Food Yili Pure Milk, Mengniu Original Drink Milk, at Jolly Cow Slender High Calcium Low Fat Milk. (Rose Tamayo-Tesoro/Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending