Pinay sasagipin sa firing squad
Tiniyak kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ginagawa nila ang lahat ng paraan upang mailigtas mula sa firing squad ang Pinay na si Cecilia Alcaraz, alyas Nemencia Panaglima Armia, 38, na sinasabing pumaslang at nagnakaw sa isang Taiwanese broker sa bansang Taiwan noong nakaraang taon.
Ang paniniyak ay ginawa ni DFA Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Esteban Conejos, kasunod na rin ng akusasyon ng Migrante International na nagpapabaya sila sa mga kaso ng mga OFW na nakahanay sa bitayan sa iba’t ibang bansa, dahil abala umano ito sa paghahanda para sa idaraos na 2nd Global Forum on Migration and Development (GFMD) ngayong buwan.
Ayon kay Conejos, umapela na sila sa gobyerno ng bansang Taiwan upang mailigtas sa firing squad si Alcaraz.
Si Alcaraz ay inakusahang nagnakaw at pumaslang kay Chiu Mei-yun, isang local teaching broker, noong Setyembre 12, 2007 sa Kaoshiung City, Taiwan matapos tumanggi umano itong magbayad ng utang.
Idinagdag pa ni Conejos na inaasahan nilang magsasagawa ng hearing ang hukuman sa Taiwan para sa naturang apela sa unang linggo ng Nobyembre.
Sinabi rin naman ng DFA official na naglaan ng dalawang Taiwanese lawyers ang Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taipei upang kumatawan kay Alcaraz sa trial at apela sa kaso.
Bagamat mabigat aniya ang ebidensiya laban kay Alcaraz, sinabi ni Conejos na gagawin nila ang lahat upang mailigtas sa kamatayan ang Pinay.
Plano rin umano ng MECO na dalhin sa Taiwan ang kapatid na lalaki ni Alcaraz at ilang anak nito upang mabisita siya sa kulungan.
Matatandaang una nang inakusahan ng Migrante ang pamahalaan na nauubos ang oras sa paghahanda para sa GFMD sa halip na tutukan ang problema ng mga OFW.
Ayon kay Migrante International spokesman Garry Martinez, 40 DFA personnel umano ang ipinull-out mula sa trabaho upang mag-pokus sa nasabing aktibidad.
Binatikos din ng Migrante ang pamahalaan dahil pitong Pinoy na umano ang nabibitay sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Sa record ng Migrante, may 29 pang OFW ang nakahanay sa death row sa iba’t ibang bansa.
- Latest
- Trending