Sa kabila ng travel ban ni Philippine National Police chief Dir. General Jesus Versoza, natuloy pa rin kagabi ang biyahe ng may 29 police colonel patungong Estados Unidos.
Dakong alas-10 kagabi ng tumulak papuntang Los Angeles, California ang 29 opisyal sakay ng Philippine Airlines flight PR-102. Walo pang PNP officers ang nakatakdang sumunod para makumpleto ang kanilang 6-buwang Officers Senior Executive Course (OSEC) sa Philippine Public Safety College (PPSC) bago sila makapagtapos sa kurso.
Nabatid na ang mga Superintendent o light colonel sa PNP ay kailangang kumuha ng schooling bilang bahagi ng ibinibigay na requirement ng OSEC para ma-promote ang mga ito sa ranggong Senior Superintendent. Ang 37 police officials ay sasailalim sa seminar sa LA na isasagawa ng mga eksperto sa Federal Bureau of Investigation (FBI).
Bago umalis ay pinagsabihan na ang mga opisyal na bawal silang magdala ng pera na hihigit sa P10,000 matapos ang kontrobersya ng pagkakaharang sa mga police generals at kanilang mga misis sa Moscow airport matapos mahulihang may bitbit na P6.9 milyon sa kanilang bagahe.
Samantala, ipinamamadali na ng PNP sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagsusumite ng mga dokumento sa Russia upang makabalik na kaagad sa bansa sina ret. PNP Comptroller chief Gen. Eliseo de la Paz, misis nito at Police Director Jaime Caringal ng Police Regional Office (PRO) 9 na naiwan sa Russia. (Ellen Fernando/Joy Cantos)