Plano ng Land Transportation Office (LTO) na isama bilang requirement sa pagkuha ng driver’s license ang neuro test para sa lahat ng aplikante ng lisensiya para sa student, non-professional at professional drivers license.
Sa isang press conference kahapon, sinabi ni LTO Chief Alberto Suansing, mas mainam na maisama ang neuro test sa pagkuha ng lisensiya dahil ang “behavior problem” ang nakikita niyang dahilan kung bakit tumataas ang bilang ng mga aksidente sa lansangan.
Ayon kay Suansing, ang tumataas na bilang ng mga aksidente na kinasasangkutan ng mga sasakyan ang isa sa kanyang naging basehan upang maisama ang neuro test sa pagkuha ng lisensiya ng mga driver.
“Ang mga sasakyan ay katulad ng baril, kung hindi magiging maingat ang driver, maaring makamatay yan,” pahayag ni Suansing.
Sinabi ni Suansing na kahit na road worthy ang isang sasakyan pero kung may hangin sa “utak” ang driver posible pa rin ang aksidente dito.
“Yung iba kasing driver, sobrang bait pag kukuha ng lisensiya pero pag nasa kalsada na at inapakan ang selenyador laluna kung ma ingay… naghahangin na ..may behavioral problem na,” dagdag ni Suansing.
Gayunman, sinabi nitong hindi pa naman ito ipatutupad dahil pinag-aaralan pa ito ng ahensiya kung hihingin sa Kongreso na maamyendahan ang RA 4136 o Land Transportation Law o gagawin na lamang itong administrative order na lamang.
Ang requirement sa pagkuha ng student drivers license ay ang birth certificate at isang valid ID, drug test at medical naman ang requirement sa pagkuha ng non-professional at professional drivers license bukod sa drive test at exam.