Bumuo na ng 4-man panel ang tanggapan ng Ombudsman para busisiin ang ari-arian ni ret . Police director Eliseo dela Paz, dating comptroler ng Philippine National Police.
Ito ang sinabi ni deputy Ombudsman Mark Jalandoni na siyang chairman ng binuong panel kasunod ng pagkakaharang kay dela Paz ng mga awtoridad sa Moscow, Russia dahil sa kuwestyonableng pagbibitbit ng halos P7 Milyon pabalik ng Pilipinas.
Ayon kay Jalandoni, aalamin nila kung bakit may ganitong kalaking halaga ng salapi si dela Paz at kung walang nilalabag na batas sa bansa kaugnay ng pagbibitbit niya ng naturang halaga.
Sinabi pa nito na binigyan siya ng 45 araw ni Ombudsman Merceditas Gutierez upang isumite sa kanya ang resulta ng imbestigasyon hinggil dito.
Sinasabing nakatanggap na ng impormasyon ang Ombudsman na may mga ari-arian sa isang eksklusibong subdivision si dela Paz sa Quezon City at nakakapagpaaral ng mga anak sa isang exclusive university sa Maynila.
Nabatid ng Ombudsman na sumasahod lamang si dela Paz ng halagang mahigit P30,000 noong siya ay comptrollership pa ng PNP. (Angie dela Cruz)