Generals na umalis pa-Russia, lumabag sa BSP regulation
Kinumpirma kahapon ng Bureau of Customs (BoC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na lumabag din ang mga matataas na opisyal ng Philippine National Police sa patakaran sa paliparan at alituntunin ng Bangko Sentral ng Pilipinas makaraang hindi nila idineklara ang milyun-milyong bitbit na salapi nang lumabas ang mga ito sa bansa para dumalo sa isang assembly sa Russia.
“There was no declaration papers submitted to us by the PNP officials,” ani Gaylord Ventura, airport Customs supervisor sa NAIA Terminal 2.
Sa pinaiiral na regulasyon ng Central Bank, hindi hihigit sa 10,000 Euros ang maaaring madala ng isang papaalis na pasahero at kung lumagpas ay kailangang ideklara ito sa customs na may official form.
Sa tala ng Bureau of Immigration, ang mga opisyal na pinangunahan ni ret. PNP Comptroller Chief Eliseo dela Paz kasama ang mga misis ng mga PNP generals kabilang na ang maybahay ni PNP chief Gen. Jesus Verzosa ay umalis noong Oktubre 5 sa bansa lulan ng Philippine Airlines flight PR-310 patungong Moscow, Russia.
Ayon sa report, nasabat sa Moscow International Airport ang kasing halaga ng P6.93-milyon (105,000 Euros) mula kay dela Paz dahil sa kabiguan nitong ideklara habang sila ay papalabas na ng Russia.
Depensa naman ni PNP spokesperson Nicanor Bartolome na ang perang dala ni dela Paz ay para sa lahat ng miyembro ng delegasyon at bawat isa ay pinapayagang magdala ng halagang $3,000. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending