Pinay ipa-firing squad sa Taiwan
Isang overseas Filipino worker (OFW) na naman ang nahatulang mabitay sa pamamagitan ng firing squad dahil sa kasong pagpatay at pagnanakaw sa isang teaching broker sa bansang Taiwan noong nakaraang taon.
Batay sa ulat na nakarating sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA) mula sa grupong Migrante International, ang Pinay worker ay nakilalang si Nemencia Armia, 38.
Si Armia ay inakusahang nagnakaw at pumatay sa Taiwanese na si Chiu Mei-yun, isang teaching broker, noong Setyembre 12, 2007 sa Kaoshiung City, sa Taiwan matapos na tumanggi umanong magbayad ng utang.
Dahil dito, sinasabing 16 ulit umanong pinagsasaksak ng Pinay ang biktima na naging sanhi ng kamatayan nito.
Sinasabing tinangay pa umano ng Pinay ang dalawang cellphone ng biktima, bank card, credit cards at $745 cash. Pinuwersa pa umano nito ang nag-aagaw-buhay na biktima na ibunyag ang code number ng kanyang bank card, sa halip na pakinggan ang pakiusap nito na tulungan siya.
Batay sa ulat, una umanong itinago ng suspek ang bangkay ng biktima sa bahay nito ngunit malaunan ay itinapon sa isang iskinita sa downtown matapos na isilid sa isang itim na plastic bag.
Nagamit pa umano ng Pinay ang ATM card ng biktima at nakapag-withdraw ng $2,052, ngunit isinauli umano nito ang $247 sa pulisya nang maaresto ito.
Isinasangkot pa sa krimen ang nobyo ng suspek na si David Michael Fillion, 48, isang US citizen, ngunit malaunan ay pinalaya din dahil sa kawalan ng sapat na ebiden sya laban sa kanya.
Ayon sa Migrante, isang alyansa ng mga samahan ng mga OFWs, mariin namang itinatanggi ng Pinay ang krimen.
Iginigiit din umano ni Armia na na-frame-up lamang siya at dalawang Taiwanese din ang may kagagawan sa krimen.
Nanawagan rin naman ang Migrante sa pamahalaang Arroyo na kaagad na umaksyon sa insidente upang mailigtas sa kamatayan si Armia, at hindi ito matulad sa nabitay na Pinoy worker na si Jenifer Bidoya, alyas Venancio Ladion, sa Saudi Arabia.
Samantala, ayon naman sa DFA, wala pa itong natatanggap na opisyal na ulat mula sa embahada ng Pilipinas sa Taiwan hinggil sa naturang hatol kay Armia na firing squad.
Kaugnay nito, nabatid na nakatakda namang pormal na umapela ang Migrante at ang pamilya ni Armia sa mga kinauukulan sa isang pulong balitaan na nakatakdang isagawa ngayong araw.
Si Bidoya ay matatandaang binitay sa Saudi noong Martes dahil sa salang pagpatay sa isang Saudi national sa Mecca noong 2005.
- Latest
- Trending