Teehankee ibalik sa kulungan!
Hiniling kahapon sa Korte Suprema ng isa sa mga pribadong abogado sa Hultman-Chapman double murder case na bawiin ang executive clemency na ipinagkaloob ni Pangulong Arroyo kay convicted killer Claudio Teehankee Jr.
Base sa 84-pahinang petition ni Atty. Ernesto Francisco sa Korte, hiniling nito na magpalabas ng preliminary mandatory injuction na nag-aatas sa mga opisyal ng gobyerno na nasa likod ng ipinagkaloob na pardom na bawiin ito kay Teehankee.
Iginiit ni Francisco na labag sa Konstitusyon at sa umiiral na batas ang naturang hakbang ng Pangulo dahil sa hindi pa umano umaabot sa kalahati ng kanyang sentensiya si Teehankee kaya hindi pa siya dapat pinalabas ng Bilibid.
Nabatid sa abogado na si Teehankee na convicted sa dalawang bilang ng pagpatay at isang bilang ng bigong pagpatay ay pinatawan ng mula 36 taon hanggang 69 taong pagkabilanggo.
Kung kukuwentahin aniya, ay kinakailangang manatili pa ng karagdagang apat na taon sa New Bilibid Prisons si Teehankee.
Nanindigan si Francisco na hindi napagsabihan ng DOJ ang mga partido sa kaso na sina Mr. and Mrs. Anders and Vivian Hultman, pamilya ni Roland John Chapman at Jussi Olavi Leino.
Ayon pa kay Francisco, hindi pa rin nababayaran ng pamilya Teehankee ang kabuuang P8-M na danyos na dapat ay ibayad ng pamilya Teehankee sa pamilya ng mga biktima.
Kabilang sa mga respondent sa kaso ay sina Justice Secretary Raul Gonzalez, Executive Secretary Eduardo Ermita, ang Bureau of Corrections at ang convicted killer na si Teehankee.
- Latest
- Trending