Isda sa Romblon puwede nang kainin

Maaari nang kaining muli ang mga lamang-dagat tulad ng isda mula sa karagatan ng Romblon.

Ito ay makaraang opis­yal na tanggalin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Department of Agriculture (DA) ang fishing ban sa karagatan ng San Fer­nando Romblon kung saan lumubog ang MV Princess of the Stars nitong Hunyo.

Ayon kay BFAR director Malcolm Sarmiento Jr., inalis na ang ban sa pangingisda sa karagatan ng Romblon matapos ma­tanggal ang nakalalasong kemikal na endosulfan at iba pang hazardous che­mi­cals mula sa lumubog na barko.

“This means that aqua­tic animals that will be caught in the area are free from contamination and therefore are fit for human consumption,” pahayag ni Sarmiento .

Kamakailan ay pinag­ba­wal ng BFAR ang pangi­ngisda sa baybayin ng San Fernando sa Sibuyan Island nang malaman na may 10 metrikong tone­lada ng endosulfan ang karga ng lumubog na barko.

May epektong dulot sa kalusugan ng tao ang isang indibidwal na maka­kakain ng isda o anumang lamang dagat na naapek­tuhan ng naturang kemikal. (Angie dela Cruz)

Show comments