Isda sa Romblon puwede nang kainin
Maaari nang kaining muli ang mga lamang-dagat tulad ng isda mula sa karagatan ng Romblon.
Ito ay makaraang opisyal na tanggalin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Department of Agriculture (DA) ang fishing ban sa karagatan ng San Fernando Romblon kung saan lumubog ang MV Princess of the Stars nitong Hunyo.
Ayon kay BFAR director Malcolm Sarmiento Jr., inalis na ang ban sa pangingisda sa karagatan ng Romblon matapos matanggal ang nakalalasong kemikal na endosulfan at iba pang hazardous chemicals mula sa lumubog na barko.
“This means that aquatic animals that will be caught in the area are free from contamination and therefore are fit for human consumption,” pahayag ni Sarmiento .
Kamakailan ay pinagbawal ng BFAR ang pangingisda sa baybayin ng San Fernando sa Sibuyan Island nang malaman na may 10 metrikong tonelada ng endosulfan ang karga ng lumubog na barko.
May epektong dulot sa kalusugan ng tao ang isang indibidwal na makakakain ng isda o anumang lamang dagat na naapektuhan ng naturang kemikal. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending