Isang Pinoy ang pinugutan ng ulo sa Saudi Arabia kahapon matapos na katigan ng Korte Suprema ng nasabing bansa ang parusang kamatayan na inihatol sa kanya dahil sa salang pagpatay.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Esteban Conejos, dakong alas-10 ng umaga ka hapon (3:00 ng hapon sa Maynila) nang bitayin si Jenifer Bidoya, alyas Venancio Ladion, sa western city ng Jeddah.
Batay sa ulat na natanggap ng DFA mula sa Philippine Consulate General in Jeddah, sinabi ni Conejos na si Bidoya ay hinatulan ng parusang kamatayan ng Jeddah Sharia’s Grand Court noong Abril 2007 dahil sa pagpaslang sa isang Saudi national guard.
Sa kabila nang apela ng pamahalaan ng Pilipinas sa Emir ng Makkah, Governor ng Jeddah, at Minister of Interior, kinatigan pa rin ng Appellate Court ang naturang hatol, gayundin ng Supreme Judicial Council noong Abril 21, 2008.
Nabatid na lumiham pa si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kay King Abdullah ibn Abdulaziz Al-Saud noong Disyembre 6, 2007 at noong Hulyo 7, 2008 upang humiling na bigyan nito ng clemency si Bidoya.
Gayunman, mahigpit umano ang pagtutol ng pamilya ng biktima ni Bidoya at iginiit ang pagpapatupad ng parusang kamatayan sa Pinoy worker.
“Under Sharia’h Law, the crime of murder results in a public and private liability. While the King of Saudi Arabia can forgive the public rights aspect of the case, he cannot extend clemency if the victim’s family insists on their right of quisas as they did on this case,” ayon pa kay Conejos, sa isang kalatas.
Ayon kay Conejos, naipabatid na nila sa pamilya Bidoya ang insidente at nakikipag-ugnayan na rin sila sa Department of Labor and Employment (DOLE) upang mapagkalooban ng tulong ang mga ito.
Sa kasalukuyan ay ilang Pinoy pa, kabilang ang tatlong lalaki na pumatay sa kanilang kapwa mga Pinoy dahil sa sugal, ang nakahanay sa death row sa iba’t ibang bahagi ng Saudi Arabia. Pawang nakaapela naman umano ang kaso ng mga ito.
Nabatid na ang Pinoy na pinakahuling binitay sa Saudi ay si Reynaldo Cortez, 41, noong Hunyo 2007 sa Riyadh matapos na paslangin ang isang Pakistani na taxi driver na umano’y nagtangkang umabuso sa kanya ng sekswal.