Sa tulong ng nakukuhang 22,000 bariles ng langis kada araw mula sa Galoc Oil Fields sa Palawan, sinabi ni Press Secretary Jesus Dureza na matutupad sa loob ng 10 taon ang hangarin ng Pilipinas na makawala sa tanikala ng pag-aangkat ng langis.
Ngunit iginiit ni Dureza na hindi lang sa Galoc tumataya ang gobyerno dahil may 32 iba pang oil explorations na isinasagawa ang pamahalaan, sa tulong ng ilang private contractors, sa taong ito.
“We also have oil explorations in Cebu, Davao, Agusan, Cagayan and the Central Luzon Basin,” paliwanag ni Dureza.
Ang Palawan ay isa sa major source ng oil at natural gas para sa bansa. Noong 1992, nadiskubre ang isang mayamang source ng natural gas, 80 kilometro mula sa dalampasigan ng Palawan, na kilala ngayon bilang Malampaya Natural Gas Field.
Ang Malampaya ang nagbibigay ng gasolina upang patakbuhin ang tatlong electrical plants sa Batangas na may kapasidad na 2,700 megawatts.
Maliban pa rito, sinabi ni Dureza na malaki ang maitutulong ng Galoc upang mapalakas ang dollar reserve ng bansa dahil mababawasan nang husto ang halaga ng iniaangkat na langis kapag naging tuluy-tuloy na ang supply ng langis mula sa natuklasang oil field. (Rudy Andal)