Tiniyak ni Joey de Venecia, anak ni dating House speaker Jose de Venecia, na mauuna siya sa paghahain ngayon ng panibagong impeachment complaint laban kay Pangulong Arroyo.
Sa ginanap na pulong balitaan sa Tinapayan, sinabi ni de Venecia na maaga pa lang ay nasa Kamara na siya para unahan ang ibang grupo na nagbabalak na maghain din ng panibagong complaint laban sa Pangulo.
Magugunita na nabigo sina de Venecia na maihain noong Sabado ang bagong impeachment complaint dahil umalis ng bansa si House Secretary General Marilyn Yap na siyang awtorisadong tumanggap ng reklamo.
Sinabi ng batang de Venecia na pipigilan nila ang grupo ni Oliver Lozano at Ruel Polido para guluhin at isabotahe ang impeachment process.
llan sa mga isyu laban sa Pangulo ay ang National Broadband Network agreement sa ZTE Corp., kung saan saksi ang batang de Venecia; ang Northrail project; ang Joint Maritime Seismic Understanding na pinirmahan ng Pilipinas, China at Vietnam; at ang memorandum of agreement on ancestral domain sa Moro Islamic Liberation Front.
Isinama din sa impeachment case ang umano’y ginawang paglabag sa karapatan pantao, ZTE-Diwalwal Mining contract, fertilizer scam at ‘Hello Garci’.
Kabilang din sa mga tumayong complainant sina Atty. Harry Roque; Editha Burgos, ina ng nawawalang aktibista na si Jonas Burgos; Erlinda Cadapan at Concepcion Empeno, nanay ng mga nawawalang UP students na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno; dating transportation undersecretary Josefina Lichauco, aktibistang si Renato Constantino, actor Rez Cortez, Linggoy Alcuaz, Leah Navarro at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas chairman Danilo Ramos.