De lata mula China sinusuri na
Sinimulan na ng National Meet Inspection Service (NMIS) ang pag papasuri ng mga canned meat products na mula China na nasa pamilihan bunga na rin ng posibleng kontaminasyon nito sa melamine.
Ayon kay Atty. Jane Bacayo, officer-in-charge ng NMIS, ilang mga pibadong laboratoryo ang nagsasagawa na ng pagsusuri sa mga produktong luncheon meat ng Shanghai Food Products na Ma-ling at Cofco Food Ltd., upang malaman kung positibo ito sa kemikal na melamine.
Inaasahang mailalabas naman ang resulta ng pagsusuri sa susunod na linggo.
Bukod sa dalawang brand ng luncheon meat na may importation documents, susuriin na rin ng private laboratory ang mga walang label na meat products galing China na nasa pamilihan.
Inamin ni Bacayo na walang sapat na pasilidad sa pagsusuri ng melamine ang NMIS kaya ipinasya na lamang nilang dalhin ito sa mga pribadong laboratory.
Aniya, ang mga pasilidad ngayon ng Bureau of Food and Drugs (BFAD) ay okupado ng ginagawang lab test sa mga gatas. Tatlo na sa 54 na sinusuri ng BFAD ang nagpositibo sa melamine.
Nilinaw din ni Bacayo na ang resulta ng private lab ay hindi na nangangailangan pa ng BFAD validation dahil kinikilala naman ng NMIS ang mga testing centers na aprubado ni Agriculture Secretary Arthur Yap.
Samantala, sinabi naman ni Bacayo na ang luncheon meat galing China na nagpositibo sa pagsusuri ng Qualibet laboratory ay iligal na ipinasok sa bansa.
Ngunit kamakalawa ay ipinahayag ni Yap na puwede pa ang mga meat products mula sa China at walang dahilan upang i-ban ito. (Doris Franche)
- Latest
- Trending