P100M imported na sinulid kuha ng PASG
Kinumpiska ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) ang may P100M halaga ng imported na sinulid at yarns mula sa isang knitting and color processing plant sa Bulacan at Valenzuela.
Sinabi ni PASG chief Undersecretary Antonio Villar Jr., nabigong magpakita ng kanilang mga import permits ang Mayers Knitting Inc. at Colortex Processing factories sa Tindalo St., Sta. Clara, Sta. Maria.
Natuklasan ng PASG na smuggled ang mga ito at nailabas sa Bureau of Customs dahil sa pakikipagsabwatan umano ng ilang BOC personnel.
Sinabi ng isang Andrew Cheung na nagpakilalang kinatawan ng nasabing pabrika na inangkat ang nasabing mga sinulid at yarn ng Red Flower Group Inc., Customs Bonded Warehouse na kinontrata naman ng Clorotex at Mayers.
Noong Miyerkoles ay sinalakay din ng PASG ang sister company nito na Oversea Warp Knitting Inc sa Valenzuela City at natuklasan na may mga imported na sinulid at yarn din ito na mula sa Malaysia at China.
Sinabi ng kinatawan nitong si Rosemarie Manusa na bigyan sila ng panahon upang maipakita ang mga papeles.
Ani Villar, patunay lamang na nais ng mga kinatawan ng mga pabrika na magkaroon sila ng oras upang makontak ang kanilang mga kasabwat sa BOC upang makagawa sila ng paraan para sa mga papeles nito. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending