Bagahe ni Robin Padilla nadale sa NAIA
Nawalan ng isang bagahe ang aktor na si Robin Padilla nang dumating ito kagabi sa Ninoy Aquino International Airport [NAIA] Terminal 1 kasama ang misis na si Leizel at anak na lalaki galing Dubai.
Dakong alas-4:30 ng hapon nang dumating sa bansa si Robin lulan ng Emirates Airlines flight EK-332 kasama ang asang si Leizel at anak na lalaki mula sa pagbisita sa mga Pinoy sa Dubai.
Nadiskubre na nawawala ang isang luggage nito matapos ang matagal nitong pag-aantay sa kanyang bagahe sa may conveyor area ng NAIA.
Ayon kay Padilla, bago nawala ang isa niyang maleta na naglalaman ng mga mamahaling pasalubong para sa bunso niyang anak na si Sheerllen, ay katabi pa niya sa loob ng upuan ng eroplano ang mag-asawang Dannie at Minda Mira, tubong Punta Sa Long, Manapla, Negros Occidental.
Habang nasa himpapawid, naikuwento ng mag-asawang Mira na kaya sila lumuwas ng Pilipinas ay dahil sa isa sa mga pamilya ng mga ito ay namatay sa naturang lalawigan.
Nabatid na hindi sukat akalain ni Padilla, na nadala na pala ng mag-asawa ang kanyang maletang kulay yellow green na halos ka hawig din ng dalang bagahe ng pamilya Mira.
Kaagad na humingi ng tulong si Padilla, kina Collector Tess Roque, hepe ng Customs Arrival Passengers at Cpl. Lito Mutya, ng Airport Police Department [APD], upang i-alerto ang lahat ng mga hotel partikular ang mga airline company na tutungo sa Negros Occidental.
Matapos ang maagap na pagresponde ng mga airport officials, natunton ang mag-asawang Mira na kasalukuyan nang naka-check-in sa Dusit Hotel sa Makati City. Agad namang humingi ng paumanhin ang mag-asawang Mira kay Robin dahil sa hindi sinasadyang pagkakuha ng bagahe nito na kahawig ng kanilang bagahe. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending