Teehankee natakasan ang media
Parang may sa “palos” na natakasan ng kontrober siyal at convicted murderer na si Claudio Teehankee Jr. ang mga nagbabantay na media makaraang lihim na makapuslit ito, kamakalawa ng gabi sa compound ng New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City.
Nabatid na nagawang makapuslit ni Teehankee Jr. sa mga “Paparazzi’ makaraang makalabas ito sa pamamagitan ng pagtibag sa dingding ng tinutuluyang kuwarto bandang 6-7 ng gabi.
Ayon sa ilang mapagkakatiwalaang impormante ng NBP, hindi ito dumaan sa pinto na tinambayan ng mga media at sa halip ay sa likod ng simbahan kung saan naghihintay ang isang government vehicle na sinasabing sinakyan ni Teehankee na may plakang na SEW 750.
Samantala, imposible na umanong mabawi pa ang executive clemency na ipinagkaloob ni Pangulong Arroyo kay Teehanke.
Ito ang tugon ni Justice Secretary Raul Gonzalez sa pahayag ni dating Ombudsman Simeon Marcelo na maari pang kuwestiyunin sa Korte Suprema ang legalidad ng executive clemency na ibinigay dito.
Nilinaw ng Kalihim na ang pagkuwestiyon sa legalidad ng executive clemency ay parang nilabag na rin nito ang constitutional power ng Pangulo.
Ayon pa sa kalihim, dumaan sa proseso ang lahat bago nabigyan ng executive clemency si Teehankee taliwas sa mga alegasyon ng pamilya Hultman. (Rose Tamayo-Tesoro/Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending