Matapos maganap ang “bugbugan” sa arrival area ng NAIA Terminal 2 sa Pasay City noong Linggo ay sunud-sunod na ‘death threat’ na umano ang natatanggap ngayon ni Mayor Ahmad Nanoh ng bayan ng Pangutaran Sulu.
Ayon kay Mayor Nanoh, ilang ‘text message’ na ang kanyang natanggap na nagsasabing “uubusin ang kanyang pamilya” matapos ang insidente sa NAIA sa pagitan nila ni Sulu Governor Abdusakur Tan.
Sinabi ng alkalde, patunay lamang na totoo ang “death threat” na kanyang natatanggap makaraang hagisan ng granada kamakalawa ng madaling araw ang kanyang tahanan sa Southcom Village, Barangay Upper Kalayaan Zamboanga City.
Mabuti na lamang at hindi umano natanggal ang safety pin ng granada kaya hindi ito sumabog at walang nasaktan o kaya’y nasawi sa kanyang pamilya.
Duda ng alkalde, posibleng kaya umano galit na galit sa kanya ang gobernador ay dahil isa siya sa mga pumirma sa inihaing recall petition sa Comelec.
Base sa 26 pahinang petisyon nina Ali Asman Jilah, Alhusia Ahamad Hanani at 62,631 ‘registered voters’ ng probinsiya ng Sulu ay sinasabing “loss of confidence” ang pangunahing dahilan kaya nila nire-recall si Tan. (Butch Quejada)