Halaga ng text tataas

Nagbabala kahapon ang mga telecommunication companies sa pagdinig sa Senado na mapipilitan silang itaas ang halaga ng text messaging at tuluyan nang tanggalin ang “unlimited text” kapag pumasa ang panukalang batas na naglalayong kunin ang kalahati ng kanilang kita upang ilaan sa health at education.

Ayon kay Froilan Castelo, head ng Globe regulatory affairs, hindi na nila makakayang suportahan ang unlimited text na magreresulta sa pagtaas ng halaga ng text messages sa sandaling ipasa at maging batas ang panukala.

Mawawala na umano ang P20 para sa unlimited texting sa isang buong araw.

Halos ganito rin ang sinabi ni SMART legal manager Roy Ibay na magtataas din ang halaga ng kanilang text message.

Sa halip aniya na i-remit sa gobyerno ang 50 porsiyento ng kanilang kinikita sa ilalim ng Senate Bill, ipinanukala ni Ibay na magkaroon ng “automatic appropriation” at ilaan ang tax payments ng mga telecommunication companies para sa health at edukasyon.

“That will be much simpler and will also not provide any additional burden anymore to our consumers,” ani Ibay.

Ang panukalang kaltasan ng 50 porsiyento ang kita ng mga telecom companies ay nakapaloob sa panukala ni Sen. Richard Gordon. (Malou Escudero)

Show comments