Isang araw matapos tumakas, kusang-loob na sumuko kahapon sa isang hukom ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) ang “star witness” sa Batasan bombing na si Ikram Indama.
Nabatid na nagtungo si Indama sa sala ni QC RTC branch 83 Judge Ralph Lee kung saan kumuha ito ng “commitment order” sa korte para mailipat siya ng kulungan at hindi sa detention center ng CIDG. Iginiit ni Indama na hindi umano sangkot si dating Basilan Rep. Jerry Salappudin.
Isinuko naman kay Quezon City Police District director, Sr. Supt. Magtanggol Gatdula si Indama ni Quezon City Hall police detachment chief, Supt. Nestor Abalos na siyang nag-escort dito.
Sinabi ni Gatdula na umuwi lamang umano sa kanyang bahay sa Fairview, Quezon City si Indama matapos na makakuha ng pagkakataon na makatakas nang lumuwag na ang pagbabantay sa kanya sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group sa loob ng Kampo Crame.
Nabatid pa na iginigiit ni Indama na ayaw nitong pasailalim sa “witness protection program” dahil sa wala naman umano siyang alam sa Batasan Bombing. Ayaw rin nitong maging wanted kaya naisipan nitong sumuko matapos na mapanood sa telebisyon ang mga balita ukol sa pagkawala niya.
Dahil sa pangyayari, sinabi ni Gatdula na maituturing na ulit ngayon si Indama na isa sa mga suspek sa naturang pagpapasabog na kumitil sa buhay ni Rep. Wahab Ahkbar at tatlo pa katao sa kabila na ginawa na itong “state witness”.
Kasalukuyang nakaditine ngayon sa Metro Manila District Jail sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City si Indama kasama ang dalawa pang suspek sa pambobomba na sina Caida Aunal at Adham Kusain. (Danilo Garcia/Joy Cantos)