Pardon kay Teehankee pinalagan ng VACC
Pinalagan kahapon ng grupong Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang pagpapalaya ng gobyerno sa convicted killer na si Claudio Teehankee Jr.
Sinabi ni Dante Jimenez, founding chairman ng VACC, hindi umano patas at isang uri ng kawalang hustisya ang nasabing desisyon para sa pamilya ng biktimang si Swedish-Filipino Maureen Hultman at kaibigan nitong si Roland John Chapman noong 1991.
Binigyang diin ni Jimenez na bagama’t prerogatibo ng Pangulo ang pagpapalaya sa sinumang bilanggo sa kaso ni Teehankee ay lumilitaw na may pagkiling sa panig ng punong ehekutibo.
Si Teehankee ay anak ni dating Supreme Chief Justice Claudio Teehankee na sinasabing ang angkan ay malapit sa Unang Pamilya.
Iginiit ni Jimenez na dapat ay inabisuhan muna ang pamilya ng mga biktima, isinaalang-alang ang sentimyento ng mga ito gayundin ay alamin muna kung nabayaran na ang P15-M danyos sa mga kinauukulan.
Kinuwestiyon rin ni Jimenez na dapat ay unahin muna ang ibang mga convicted killers dahil si Teehankee ay may kasong double murder at frustrated murder.
Tinukoy nito ang kaso ng mga sundalong hinatulang guilty sa pagpatay noong 1983 kay dating senador Benigno “Ninoy” Aqui no na bagaman nakapagsilbi naman ng sentensiya ay hindi pa rin napapalaya. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending