Tuluyan nang hindi makakadalo sa mga session at maging sa mga committee hearing sa Senado si Senador Antonio Trillanes IV.
Ito’y matapos na ibasura ng Supreme Court (SC) en banc sa ikatlong pagkakataon ang kahilingan ni Trillanes na makapagsagawa ng oral argument sa kanyang petition na naglalayong makalabas sa kanyang kulungan sa Fort Bonifacio.
Base sa resolusyon ng SC, maituturing na nilang moot o balewala ang usapin dahil nadesiyunan na nila ang main petition at maging ang motion for reconsideration ni Trillanes.
Bukod rito, sinabi rin ng mga mahistrado na isinaalang-alang din nila ang isinasaad sa Section 3 ng 1997 Rules on Civil Procedures na hindi maaaring magsagawa ng oral argument sa mga mosyon maliban na lamang kung sangkot dito ang pambansang seguridad.
Nakasaad pa na isinapinal na rin ang hatol ng SC sa naturang petition ni Trillanes matapos na maisilbi ang notice of judgment sa mga partido.
Magugunitang dumulog sa Korte Suprema si Trillanes matapos na manalo bilang senador noong 2004 elections,
Iginigiit ni Trillanes na bilang halal na opisyal ay dapat siyang pagkalooban ng karapatan na mapagsilbihan niya ang sinumpaang tungkulin sa milyun-milyong Pilipino na nagluklok sa kanya sa puwesto.
Gayunman sinabi sa desisyon ng SC noong July 27, 2008 na dahil sa nagawang kasong kudeta na isang non-bailable offense ay nagkaroon na ng limitasyon sa mga karapatan ni Trillanes.
Sinabi pa ng SC na wala ring naibigay na garantiya si Trillanes mula sa kahit sino sa Senado na titiyak na hindi siya tatakas.
Si Trillanes kasama ang lima pang junior officers ng militar ay nag-aklas noon laban sa pamahalaan dahil sa maling pamamalakad ng kanilang mga superior officer sa militar.