Chiz sa GSIS: Bilyong pisong pondo ilantad!
Sa harap ng pangamba ng mga GSIS members na baka nalaspag na ang kanilang pondo sa paseguruhan ng pamahalaan, hinamon ni Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero si Government Service Insurance System (GSIS) na ilantad sa publiko kung buo pa ang bilyon pisong pondo ng paseguruhan ng pamahalaan.
Nanawagan si Escudero kay GSIS president/general manager Winston Garcia na huwag lang salita, bagkus patunayan na buo at hindi nalusaw ang isang bilyong dolyar na pera ng pension fund sa gitna na rin ng pandaigdig na krisis sa pananalapi.
Ayon kay Escudero, chairman ng Senate Ways and Means Committee, obligasyon umano ni Garcia na ipakita sa publiko at mga GSIS members ang pru weba at hindi lang press release, na hindi tinamaan ng US financial meltdown ang $I billion ‘Global Investment Fund’ (GIF) ng GSIS.
“If they are not hiding anything and indeed the funds are safe, come out with the proof and let the public know the details of the investments made by these fund managers,” diin pa ni Escudero.
Si Escudero, ang pangunahing kandidato sa ngayon sa pagkabise-presidente, ay isa lang sa dumaraming bilang ng mga mambabatas na duda sa ipinagyayabang ni Garcia na walang dapat ikatakot ang mga GSIS members sa ginawa nitong paglalabas ng isang bilyong dolyar na pera ng pension fund (mahigit P47 bilyon) noong nakaraang Nobyembre upang ipasok sa mga negosyo sa labas ng bansa.
Noong nakaraang linggo, nanawagan na rin ng imbestigasyon sa Kongreso si Gabriela party list Rep. Liza Maza upang tiyakin ang katotohahan ng mga sinasabi ni Garcia.
Ibinulgar pa ni Maza na simula pa noong nakaraang buwan, kahit ang mga kawani sa Kamara de Representantes ay hindi na rin makakuha ng salary loan at iba pang benepisyo sa GSIS.
Sa huling pagdinig ng Senate Committee on Banks and Financial Institutions na ipinatawag ni Sen. Edgardo Angara, committee chairman, tanging si Garcia ang hindi sumipot upang magpaliwanag sa estadong pampinansiyal ng GSIS. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending