Nanindigan kahapon ang ilang testing centers kaugnay sa ginawa nilang pagsusuri sa mga milk at iba pang food products na naging positibo sa kemikal na “melamine”.
Ayon kay Pinky Tobiano ng QualiBet Testing center, hindi sila nakikipagkompitensiya sa Bureau of Food and Drugs (BFAD) kundi nais lamang umano nilang maging bahagi ng mabilisang aksyon kontra sa pagkalat ng “melamine”.
Magugunita na una nang umani ng pagbatikos mula kay Health Secretary Francisco Duque III ang umano’y tila pakikipag-unahan ng mga testing centers sa kanila sa paglalabas ng melamine contamination test result.
Ayon pa kay Tobiano, ang pagsumite anila ng kanilang resulta sa BFAD ay patunay lamang na ipinasasailalim nila ang anumang resulta sa pag-berepika ng mga awtorisadong ahensiya ng pamahalaan.
Samantala, iginiit naman ng Department of Health (DOH) na sigurado ang kanilang findings na dalawa lamang sa 30 milk products mula China ang positibo sa kemikal na melamine. (Rose Tesoro)