Danyos hingi ng Pinas sa China
Hihingi ng danyos ang pamahalaan ng Pilipinas sa bansang China hinggil sa epektong dinulot ng melamine scare sa importers at distributors ng gatas sa bansa.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, makikipag-ugnayan ang kinatawan ng DOH at Department of Trade and Industry (DTI) sa Chinese Embassy upang mabigyan ng kaukulang compensation ang mga importers at distributors na nalugi bunsod ng kontrobersiyal na isyung melamine sa mga gatas na mula sa China.
Sinabi ni Duque na maging ang gatas na hindi galing China ay naapektuhan ng isyu ng melamine scare kaya umaasa naman sila na mapagbibigyan ng Chinese Embassy ang kanilang kahilingan upang mabawi ng mga importers at distributors ng iba pang mga gatas na galing China ang kanilang pagkalugi matapos na i-recall upang isailalim sa melamine test.
Kamakalawa ay nagpositibo sa melamine ang Greenfood Yili Fresh Milk at Mengnui Drink na galing China. Ang dalawang gatas ay kabilang sa iba pang mga gatas ng China na sinuri ng Bureau of Foods and Drugs (BFAD).
Inaasahan namang mailalabas na ng DOH ang kumpletong resulta ng mga sinuring gatas sa susunod na linggo.
- Latest
- Trending