OSG employees may umento
Siniguro ni Pangulong Arroyo na tataas na ang suweldo ng mga kawani ng Office of the Solicitor-General (OSG) matapos maging epektibo ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas na nagpalakas sa nasabing ahensiya.
Ayon sa Pangulo sa ika-107 anibersaryo ng OSG kamakalawa ng gabi, karapat-dapat lamang kilalanin ang kontribusyon ng OSG sa adhikain ng gobyerno na maging First World Country ang Pilipinas.
Nakapaloob sa nasabing batas na iniakda ni dating Rep. Eduardo Nachura na ngayon ay mahistrado ng Korte Suprema, ang pagtataas ng sahod ng Sol-Gen mula sa salary grade 30 sa salary grade 31, ang Assistant Sol-Gen mula sa salary grade 29 sa salary grade 30; Senior State Solicitor mula sa salary grade 28 tungo sa salary grade 29 hanggang sa Associate Solicitor 1 na ang sahod ay salary grade 18 ay ginawang salary grade 24 na.
Sinabi ni Mrs. Arroyo, maraming mahahalagang kaso o batas na napagtagumpayan ng OSG kaya binigyan ito ng kapangyarihan ng gobyerno para magpatupad ng ilang programa. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending