Dalawa sa 52 gatas na unang ni-recall sa merkado ng Department of Health (DOH) ang nagpositibo sa melamine matapos na isailalim sa pagsusuri ng Bureau of Food and Drugs (BFAD).
Sa isang press conference, binanggit ni Health Secretary Francisco Duque III na ang Greenfood Yili Fresh Milk at Mengiu Drink ay nakitaan ng kemikal na melamine na ginagamit sa paggawa ng plastic.
Dahil dito, sinabi ni Duque na bawal ibenta sa merkado ang mga nasabing gatas bunga na rin ng masamang epekto nito sa mga consumers.
Aniya, kailangan na ang lahat ng mga gatas na Greenfood Yili Fresh Milk at Mengiu Drink ay wala na sa anumang mga supermarkets at pamilihan upang maiwasan ang anumang pagkalason ng mga iiinom nito.
Umaasa sila na mailalabas ang resulta ng mga produktong sinuri ng BFAD sa Martes dahil tuluy-tuloy naman ang kanilang isinasagawang laboratory test para na rin sa kapakanan ng mga mamimili.
Kasabay nito, nilinaw din ni Duque na hindi pa inaalis ng DOH ang ban sa iba pang Chinese milk matapos na magpositibo ang dalawa.
Nagbabala din si Duque na kakasuhan nila ang mga kompanyang mahuhuling nagbebenta ng gatas na galing China na may “absolute ban” mula sa DOH.
Samantala negatibo naman sa pagsusuri ng BFAD ang mga gatas na kinabibilangan ng Anchor Lite Milk, Anlene High calcium low fat milk UHT, Bear Brand instant, Chic Choc milk chocolate, Farmland skim milk, ‘Jinwei Drink, Jolly Cow pure fresh milk, Kiddie Soya Milk Egg Delight, Lactogen 1 DHA infant formula, M&M milk chocolate candies, M&M peanut chocolate candies, Milk Boy, Nestogen 2 DHA follow-up formula, Nestogen 3 DHA follow-up formula, Nido 3+ prebio with DHA, Nido Full Cream milk powder, Nido Jr., No-sugar chocolate of Isomalt 2 Oligosaccharide, Nutri Express milk drink, Pura UHT fresh Milk, Snickers fresh roasted in caramel nogut in thick milk chocolate, Vitasoy soya milk drink, Wahaha Orange, Wahaha Yellow, Want want Milk Drink 26, Windmill Skim Milk Powder, Yinlu Milk Peanut at Yogi Yogurt Flavored Milk Drink.