Umaabot sa kabuuang 434 undesirable foreigners ang pinagbawalang pumasok sa bansa ng Bureau of Immigration (BI) mula Enero hanggang Agosto.
Ayon kay BI Commissioner Marcelino LIbanan, karamihan sa mga dayu han na hindi makapasok ay dahil sa pagtatangka ng mga ito na magprisinta ng mga pekeng travel documents.
Base sa record ng BI umaabot na sa apat na million mga dayuhan ang dumating sa bansa mula Enero hanggang Agosto kumpara noong nakaraang taon na umabot lamang sa 3.6 million.
May hinala rin si Libanan na biktima ng sindikato ng human trafficking ang mga dayuhan na pinagbawalang pumasok sa NAIA at ginagamit ang Maynila bilang transit point.
Inilagay na rin sa immigration blacklist ang nasabing mga dayuhan at pinagbawalang muling makapasok sa Pilipinas
Giit pa ni Libanan, mahihirapan nang makalusot sa Pilipinas ang mga ilegal na dayuhan dahil sa patuloy na training ng mga immigration officers upang madagdagan ang kaalaman ukol sa pekeng travel documents.
Sa record ng BI sa 434 dayuhan, 71 dito ang Chinese, 60 Koreans,43 Nigerians, 37 Taiwanese, 30 Japanese, 29 Americans at 28 Indians. (Butch Quejada/Gemma Amargo-Garcia)