Dahil sa mga sulat na inilalaglag mula sa bintana, nasagip ang isang Pilipinang domestic helper na matagal nang nakakulong sa mala-impiyernong silid na pinagdalhan sa kanya ng kanyang employer sa Bahrain.
Kahapon ng umaga, luhaang sinalubong ng kanyang asawa at tatlong anak at kinatawan ng Overseas Workers Welfare Administration si Jennifer Calinao, 34, ng Tanay, Rizal pagkababa niya mula sa Gulf Air flight GF-154 sa Ninoy Aquino International Airport.
Umalis si Calinao patungong Bahrain noong Agosto 20.
Aniya, ginugutom siya at halos wala na siyang tulog dahil hindi pinagpapahinga ng kanyang amo. Nawalan siya ng malay at dinala siya ng kanyang amo sa ahensyang nag-recruit sa kanya pero ikinulong siya nito sa isang silid.
Hinihingi ng recruiter na bayaran muna umano niya ang $2,000 na nagastos sa pagpapadala sa kanya sa Bahrain kapalit ng kanyang kalayaan.
Naisip ni Calinao na gumawa ng sulat. Tatlong maliliit na pinagpilas-pilas na karton ang ginamit niya para maisulat ang kanyang kalbaryo at maihulog ito sa labas ng bintana ng silid at makahingi ng tulong sa sinumang makapulot nito.
Isa namang di-nakilalang Pilipina ang suwerteng nakapulot ng sulat ni Calinao na siyang tumulong para dalhin ang karton na may sulat sa embahada ng Pilipinas doon.
“Hirap na ako dito sa loob, napakainit, hindi ako nakakatulog, para akong nakakulong sa bartolina. Hindi ko na alam ang gagawin ko sa buhay ko. Nauubos na ang luha ko sa loob na ito sa kaiiyak pero wala naman akong magawa para makatakas dito,” sabi ni Calinao sa isa sa mga sulat.
Limang araw ding nakulong si Calinao bago nailigtas ng mga kinauukulan. (Ellen Fernando at Butch Quejada)