Isinugod kahapon ng tanghali sa St. Luke’s Hospital sa Quezon City ang dating aktor at senador na si Ramon Revilla Sr. makaraang ma-‘stroke.’
Habang isinusulat ito, inilipat sa intensive care unit ang matandang Revilla makaraang ipailalim sa angioplasty procedure, ayon sa isa niyang anak na si Bacoor, Cavite Mayor Edwin Mortel Bautista.
“Okay siya ngayon, sa ICU siya ngayon. Nagre-respond na ho siya kaya medyo critical pa rin ho pero maayos na ang kanyang alta presyon,” sabi ng alkalde sa isang panayam ng dzRH.
Sa isang hiwalay na panayam. Sinabi ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. na ito ang pangalawang stroke ng kanyang ama.
Kaugnay nito, nanawagan ang pamilyang Revilla sa publiko na ipagdasal ang dating senador upang agad itong makasalba sa karamdaman.
Unang dinala ang matandang Revilla sa Asian Hospital sa Alabang Muntinlupa bago inilipat sa St. Luke’s.
Nababahala ang pamilya ni Revilla sa kanyang kalagayan dahil meron na itong edad na 81 taong gulang. Nanawagan sila sa publiko na ipagdasal ang dating senador.
Sinabi ni Mayor Bautista na nagkaroon ng blood clot ang matandang Revilla na naging dahilan para ito ma-stroke.
Nanilbihan ang matandang Revilla sa Senado sa loob ng 12 taon. Makaraang matapos ang kanyang termino sa mataas na kapulungan noong taong 2004, itinalaga siya ni Pangulong Gloria Arroyo bilang tagapangulo ng Philippine Reclamation Authority. Jose Ascuna Bautista ang pangalan niya sa tunay na buhay, tubong Imus-Cavite at naunang nakilala bilang aktor sa pelikula. (Angie dela Cruz at Malou Escudero)