Pahirap at hindi ginhawa ang nilagdaang batas ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo na naglilibre sa buwis sa kita ng mga minimum wage earners kaya ito ay ipoprotesta at ipababasura sa Korte Suprema.
Kaugnay nito, nakatakdang magprotesta sa Korte Suprema ang mga kasapi ng Trade Union Congress of the Philippines kasama si Liberal Party President at Senador Mar Roxas laban sa anila’y “hilaw” na tax exemption law para sa mga minimum wage earners na ipinatutupad ng Bureau of Internal Revenue bagaman taliwas ito sa intensyon ng Kongreso sa ilalim ng Republic Act No. 9504 na naging batas noong June 17.
“Binaligtad ng BIR at ng DoF (Department of Finance) ang intensyon ng mga mambabatas na bigyang ginhawa ang mga manggagawa sa pamamagitan ng income tax exemption. Una, sisimulan lang nila ang exemption sa July 6, imbes na sa simula ng taon; Pangalawa, ang mga minimum wage earner na may ibang sources of income ay hindi na ie-exempt. Bilang principal author nitong batas ay lalabanan ko ang maling interpretasyon ng ehekutibo dito,” ani Roxas.
Aniya, mawawalan ng halos P5,000 na tax exemptions mula January hanggang June ang mga minimum wage earners dahil sa maling implementing rules and regulations ng RA 9504. Ito ay P36 kada araw, o P792 kada buwan na kawalan sa bawat manggagawa. At sa tinatayang 500,000 minimum wage earners, ang isang full-year exemption ay mangangahulugan ng kabuuang P2.5 bilyon na dapat sana ay makakatulong sa kanila ngayong napakataas ng mga bilihin.
Noong nakaraang linggo ay sinulatan ni Roxas si Finance Secretary Margarito Teves para hilingin na irekonsidera ang Revenue Regulations No. 10-2008 partikular ang probisyon para sa kalahating taon na tax exemption para sa minimum wage earners at limitadong tax relief sa iba pang mga manggagawa.
“Hinihintay pa namin ang sagot ng DoF sa aking liham, pero maghahain na tayo ng petisyon sa Korte Suprema para masimulan na ang proseso ng pagbasura sa ‘half-baked income tax exemption’ na gusto ng BIR,” ayon pa kay Roxas.