Inatasan kahapon ng Court of Appeals ang isang mababang korte na ipagpatuloy ang kasong kriminal laban kay Tirso Santillan, pangulo ng Philjas Corporation na may-ari ng gumuhong Cherry Hills subdivision sa Antipolo, Rizal.
Kasabay nito, kinatigan ng CA ang resolusyon ng kalihim ng Department of Justice na nag-uutos ng pagsasampa ng kasong paglabag sa Presidential Decree 957 laban kay Santillan.
Naghabol sa CA ang mga residente ng Cherry Hills nang ibasura ng Antipolo City Regional Trial Court ang kanilang reklamo laban sa Philjas.
Inireklamo ng mga residente ang kakulangan ng tamang pasilidad at kaukulang proteksyon sa subdivision na nagresulta sa pagguho ng lupa nito noong Agosto 3, 1999 at pagkamatay ng maraming residente rito.
Sinabi ng CA na hindi pa maituturing na tapos na ang kaso dahil hindi pa nababasahan ng sakdal si Santillan. (Gemma Amargo-Garcia)