Tatlong ospital sa Metro Manila ang hinihinalang nakagamit ng gatas na nagmula sa China at nagtataglay ng nakakalasong kemikal na melamine.
Ito ang nabatid kahapon kay Dr. Eric Tayag, hepe ng National Epidemiology ng Department of Health, ka ugnay ng mga ulat na ilang sanggol o bata na nakaratay sa naturang ospital ang nagkaroon ng sakit sa bato makaraang mapainom ng naturang gatas.
Isinasaad sa isang ulat na hinihinalang nakagamit ng melamine sa infant formula ang tatlong pagamutan.
Ginawa ni Tayag ang pahayag sa isang pagdinig ng Kongreso sa badyet ng DOH. Tumanggi siyang banggitin sa mga reporter ang pangalan ng binabanggit niyang mga ospital.
Kaugnay nito, nabatid na inatasan ng DOH ang lahat ng ospital sa buong bansa na ireport sa ahensya ang mga kaso ng mga pasyenteng may kidney stones o sakit sa bato mula Enero hanggang Agosto ng taong ito.
Layunin nito na matukoy ng DOH kung aling mga ospital ang nakagamit ng gatas na kontaminado ng melamine.
Samantala, sinabi ni Bureau of Food and Drugs Director Leticia Gutierrez sa pagdinig ng Kongreso na posibleng nakapasok sa bansa ang nakakalasong mga gatas mula sa China kahit pa sabihin ng mga manufacturer na nagmula ito sa New Zealand.
Uminit ang naturang usapin at maraming bansa ang naalerto makaraang mapaulat na apat ang namatay at 54,000 sanggol sa China ang nagkasakit sa bato o dinapuan ng ibang karamdaman makaraang makainom ng kontaminadong gatas.
Sa kaugnay na ulat, sa CSI Shopping Mall sa Barangay Biday, San Fernando City, La Union, pitong katao ang inaresto ng pulisya dahil sa pagbebenta umano ng P40,000 halaga ng mga ipinagbabawal na gatas mula sa China.
Kinilala ni Police Chief Superintendent Pedro Obaldo, ang mga suspek na sina Elizabeth Algaba, 49; Perlita Martinez, 48; Evelyn Golez, 56; Jolan Pulidario, 27; Enrico Macaspac, 38; Felipe Urian, 44; at Albert de Castro, 46, na pawang residente ng Bagong Silang, Caloocan City. (Delon Porcalla at Jun Elias)