Kinumpirma ng Malacañang na bibigyan ni Pangulong Arroyo ng bagong posisyon sa National Security Council (NSC) ang nagretirong PNP chief na si Avelino Razon Jr.
Ayon kay Press Secretary Jesus Dureza, hinihintay na lamang ang pormal na anunsiyo ni Pangulong Arroyo upang italaga si Razon sa NSC.
Sinabi naman ni Razon na binanggit na sa kanya ng Pangulo na gagawin siya nitong Deputy National Security Director ng NSC.
Pormal ng nagretiro kamakalawa si Razon bilang PNP chief at isinalin nito ang pamumuno sa pulisya kay Deputy Director General Jesus Verzosa na mismong si Pangulong Arroyo ang nangasiwa ng turn-over ceremony sa Camp Crame. (Rudy Andal)