Agad na inatasan kahapon ni Pangulong Arroyo si bagong Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Jesus Verzosa na tumulong sa pagpapanumbalik ng kapayapaan sa Mindanao.
Sa ginawang turnover ceremony ng liderato ng PNP sa Camp Crame, nilinaw ng Pangulo na hindi all out war ang nagaganap sa Mindanao kundi isang ‘law enforcement exercise.’
Naniniwala rin ang Pangulo na mahalaga ang karanasan ni Verzosa bilang hepe ng PNP lalo pa’t na-assigned na rin ito sa mga hot spots sa Mindanao.
Sinabi pa ng Pangulo na hindi lamang ang mga krimen sa lansangan ang dapat tutukan ng PNP dahil mahalaga ring makatulong ang kapulisan sa pagpa panumbalik ng kapayapaan sa katimugang bahagi ng Pilipinas.
Panahon na aniya para wakasan ang 40 taong kaguluhan sa Mindanao kung saan mahigit na sa 120,000 katao ang namamatay.
Kabilang ngayon sa tinutugis ng gobyerno ang tatlong kumander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nanguna sa pag-atake sa ilang probinsiya sa Mindanao matapos hindi malagdaan ang memorandum of agreement on ancestral domain.
Samantala, pinuri rin ng Pangulo si outgoing PNP chief Dir. Gen. Avelino Razon Jr. sa mga repormang ginawa nito at pagpapanumbalik ng tiwala ng taumbayan sa kapulisan. (Malou Escudero)