Approval rating ni Villar pinakamataas, GMA sadsad

Nakuha ni Senate Pre­si­dent Manny Villar ang pinakamataas na approval rating na 72% sa hanay ng pinakamatataas na opisyal ng gobyerno sa isina­gawang survey ng Pulse Asia

Samantala nakuha na­man ni Pangulong Arroyo, hindi lamang ang pinaka­mababang approval rating na 22%, kundi ang pinaka­­­mataas din na disapproval rating na umabot sa 48%.

Ang kawalan ng pasya ng publiko ukol sa pagta­trabaho ng mga pangu­na­hing opisyal ng gob­yerno ay kitang-kita sa pun­tos nina House Speaker Pros­pero C. Nograles at Supreme Court Chief Justice Reynato S. Puno na kapwa nakakuha ng 39%.

Sa survey na isina­gawa noong Hulyo 1-14 ng taon, nakakuha naman si Vice President Noli L. de Castro ng mataas na approval rating na 59%, habang halos patas na­man ang approval ratings nina House Speaker Nog­rales at Pangulong Arroyo. Nakakuha si Nog­rales ng 24% habang 22% sa Pangulo.

Si Senate President Villar lang ang nakakuha ng single-digit na disapproval score na pumalo sa 8% at sa kaniya rin ang pinakamababang puntos mula sa mga undecided o hindi pa tiyak ang pasya.

Halos hindi gumalaw ang pangkalahatang performance rating ng mga nabanggit na pinakama­tataas na opisyal sa pa­gitan ng mga buwan ng Marso at Hulyo. 

Namukod-tangi lang sa obserbasyong ito si Villar na lumundag ng 10 puntos ang approval rating gayun­din ang 8% na ibinaba ng dis­approval rating ni Chief Justice Puno. (Butch Quejada)

Show comments