Ikinokonsidera na ngayon ng Department of Health na (DOH) na kontrabando ang mga “repack” na gatas na galing sa China, matapos na iutos ng Bureau of Food and Drugs (BFAD) ang pagbabawal sa importasyon at pagbebenta nito sa bansa.
Ayon sa DOH, kailangan na muna nilang higpitan ang monitoring laban sa mga China milk hangga’t walang resulta ang BFAD dahil nakasalalay dito ang kalusugan at buhay ng isang tao.
Sinabi ng DOH na posibleng i-repack na lamang ang mga China milk na nakikita at ibinebenta sa murang halaga upang mabawi ng mga gahamang negosyante ang kanilang puhunan.
Pinababawi na rin ng DOH ang mga import license ng mga kumpanyang nag-aangkat ng mga dairy at milk products na ginawa sa bansang China
Samantala, nagpalabas na rin ng kautusan ang Bureau of Customs (BOC) sa lahat ng “district at port collectors” nito sa buong bansa para sa pag-ban ng mga nasabing produkto.
Iginiit naman ni BFAD Director Leticia Barbara Gutierrez na pinapayuhan nila ang mga publiko na huwag bumili ng mga repack na gatas bagama’t mas mura ang halaga nito dahil wala pa umang katiyakan na ligtas ang mga ito.
Nanawagan din si Gutierrez sa mga vendor na itigil pansamantala ang pagbebenta ng mga gatas dahil maituturing itong isang panloloko bukod pa sa nakasalalay dito ang buhay ng isang tao. (Doris Franche)