Pacquiao delikado kay dela Hoya
Gusto ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez na ipa-suspinde sa Games and Amusement Board (GAB) ang professional boxing license ni people’s champion Manny ‘Pacman’ Pacquiao dahil sa takot na baka mapatay ito sa gagawing laban nila ni Goldey Boy Oscar dela Hoya.
Sinabi ni Rodriguez na balak niyang ipahinto ang laban sa pagitan ng dalawang star boxers ng mundo na gaganapin sa MGM Grand Arena, Las Vegas, Nevada sa Dec. 6, 2008.
Nangangamba si Rodriguez na mabugbog, malumpo o mapatay si Pacquiao sa laban nila ni dela Hoya dahil ang huli ay mas matangkad ng four feet, malakas sumuntok, may 5 inches reach advantages.
Ayon kay Rodriguez, maliit di hamak si Pacquiao at mababa ang timbang kumpara kay dela Hoya kahit na may magandang premyo na matatanggap si Pacquiao na sinasabing karagdagan US$20 million.
Sinabi ni Rodriguez, para matigil ang bakbakan ng dalawang sikat na boksingero sa buong mundo ay dapat aniyang makialam ang gobyerno ng Pilipinas sa nasabing laban.
Gayunman, sinabi ni GAB Chairman Eric Buhain na wala ng magagawa ang kanilang tanggapan sa nalalapit na laban ng dalawang boksingero dahil tapos na at pirmado na ang kontrata sa nasabing laban.
Samantala, sinabi ng ilang boxing aficionados na pera lamang ang hangad ng dalawang boksingero sa nasabing laban dahil ang premyo ng bawat isa sa kanila, matalo man o manalo, ay million dollars.
Ayon pa sa mga ito, isang gimik lamang daw ang laban at maaring maging tabla ang nasabing boxing para humakot lamang ng manonood sa buong mundo at million dollar na salapi.
Inaasahan nilang ang nasabing bakbakan ay isang exhibition game lamang tulad ng napapanood ng mga mahihilig sa professional wrestling.
- Latest
- Trending