Iniutos ni Pangulong Arroyo ang suspension sa mga pagpapatupad ng mga proyektong kinukuwestyon ng Commission on Audit (COA).
Sinabi ni Presidential Management Staff chief Cerge Remonde, nagpahayag ng pagkabahala si Pangulong Arroyo hinggil sa lumabas na alegasyong iregularidad sa mga nasabing proyekto sa ilalim ng Department of Agriculture (DA) at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Kabilang sa pinasususpinde ni Mrs. Arroyo ay ang pamamahagi sa mga non-governmental organizations gayundin ang Ginintuang Masaganang Ani (GMA).
Kinumpirma din ni Sec. Remonde na noong isang linggo pa iniutos ng Pangulo kay Agriculture Secretary Arthur Yap at PMS na isailalim sa evaluation ang mga nasabing proyekto.
Ipinag-utos na rin ang pagsasagawa ng internal investigation kaugnay sa mga alegasyong katiwalian.
Magugunita na nagpalabas ng findings ang COA na iniharap sa isinasagawang budget deliberations sa Kamara kaugnay sa natuklasan umano nilang mga anomalya sa DA at DPWH. (Rudy Andal)