Iniimbestigahan na ngayon ng Department of Health (DOH) ang ilang kaso ng mga sanggol na nagtataglay ng sakit sa kidney na posibleng bunga ng nainom na gatas na nagmula sa bansang China.
Hindi muna ibinunyag ni Dr. Eric Tayag, hepe ng DOH-National Epidemiology Center, ang detalye hinggil sa mga sanggol at kung saan ito naka-confine na ospital habang pinag-aaralan pa ang kaso.
Sinabi ni Tayag na inaalam na nila kung napainom umano ng gatas ang mga sanggol at isasangguni sa Bureau of Food and Drugs (BFAD) kung ang nainom na gatas ay positibong may taglay na melamine at kung saan nagmula ang gatas.
Naalarma ang DOH sa mga ulat na ang gatas na kontaminado ng melamine chemicals sa bansang China ang dahilan ng pagkamatay at pagkakasakit ng libu-libong mga sanggol doon.
Dahil sa ulat, nagdududa sila sa kaso ng mga sanggol sa bansa na may taglay na umanong sakit sa bato o kidney dahil sa pagpasok ng mga imported na gatas mula sa China na nabibili sa merkado.
Una nang ipinahayag ng DOH, BFAD at ng Malakanyang ang total ban sa pag-aangkat at pagbebenta sa lahat ng dairy products mula sa Tsina, na epektibo na kahapon, alinsunod sa Article 10 ng Consumer Act of the Phils.
Mariin ding tiniyak ng BFAD na iligal ang pagpasok ng mga gatas mula China dahil wala sa ahensiya na nakarehistrong brand name at inaprubahang gatas na gawa sa China.
Nilinaw naman ng DOH na global na umano ang alerto sa pagba-ban ng mga gatas at iba pang dairy products na nanggagaling sa China.