Inatasan kamakailan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Department of Education na ipaayos ang mga pasilidad ng mga aklatan sa mga pampublikong paaralan at makipag-ugnayan sa mga pamahalaang-lokal para makapagpatayo ng aklatan sa mga lugar na wala pang ganitong pasilidad.
Ginawa ng Pangulo ang direktiba para higit na mahikayat ang mga batang Pilipino sa pagbabasa ng libro.
Pinuna ng Pangulo na nawawalan na ng interes sa pagbabasa ang mga bata sa kasalukuyan kaya maraming likhang literatura ang hindi nila nadadaanan.
“Nais kong manguna ang Deped sa pagtitiyak na merong mga aklatang makakapagpalawak sa isip ng mga kabataan sa pamamagitan ng pagbabasa,” sabi pa ng Pangulo.
Nakapagpabunsod din sa hangaring ito ng Pangulo ang pagbubukas kamakailan ng Library Hub ng Marikina City na pinasinayaan nina DePed Secretary Jesli Lapus at Marikina Mayor Lourdes Fernando. (Rudy Andal)