Patuloy na lumiliit ang mundo ng tatlong wanted na Commander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) dahilan ultimong ang kanilang mga misis ay hindi na rin umano nila pinagkakatiwalaan dahil sa P25 milyong reward na ipinalabas ng pamahalaan laban sa mga ito.
Batay sa nakalap nilang impormasyon, sinabi ni AFP Chief of Staff Gen. Alexander Yano na nagbawas na ng kanilang close-in body security sina Ameril Umbra Kato, Abdulrahman Macapaar alyas Bravo na pawang may tig-P10M reward bawat isa at Aleem Sulayman Pangalian, may P5M reward sa hinalang maaari silang ipagkanulo dahil sa laki ng pabuya.
Maging ang kanilang mga sub-commanders ay sinasabing pinalitan na rin nila ng mga malalapit na kamag-anak na mas pinagkakatiwalaan ng mga ito.
“I don’t think they will trust anybody, they must have distrusted even their wives,” giit pa ng Chief of Staff.
Gayunman, inamin ni Yano na nahihirapan ang tropa ng AFP na pasukin ang pinagkukutaan ng tatlong kumander.
Ayon kay Yano, bagamat tukoy nila ang general area na kinaroroonan ng tatlong Commander hindi nila ito basta malulusob dahil mabato, mapuno, matubig at bulubundukin ang lugar.
Sinabi ng heneral na kailangang maging maingat ang bawat hakbang ng mga sundalo kaugnay ng opensiba laban sa grupo nina Bravo, Kato at Pangalian dahil mas kabisado ng mga rebelde ang bawat sulok ng kanilang pinagtataguan.
Pero tiniyak ng heneral na nasa lugar lamang na binabantayan ng militar ang mga wanted na MILF Commander.