Itinalaga ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang kapalit ni outgoing Philippine National Police Chief Director-General Avelino Razon Jr. si PNP Deputy Director-General Jesus Verzosa.
Inianunsiyo ng Pangulo ang pagtatalaga kay Verzosa kamakalawa ng gabi bago ito tumulak patungong Estados Unidos upang dumalo sa United Nations General Assembly.
Mismong si Pangulong Arroyo ang mangunguna sa paglilipat ng tungkulin kay Verzosa sa pagbabalik niya sa bansa sa Setyembre 27.
Nakatakdang magretiro si Razon sa kanyang ika-56 kaarawan sa September 29 bilang hepe ng PNP at ililipat nito ang tungkulin kay Verzosa sa isang seremonya sa September 27.
Si Verzosa ay miyembro ng PMA Class 1976 at nagsilbi bilang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group. Nakatakda itong magretiro sa Disyembre 25, 2010.
Si Verzosa ang pang-15 PNP chief at naging aktibista sa panahon ng rehimeng Marcos.
Nagpahayag kahapon si Verzosa ng pasasalamat sa Pangulo at nangako siya na hindi niya bibiguin ang pagtitiwala nito sa kanya.
Ayon kay Verzosa, kay Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno niya nalaman ang magandang balita.
Kilala rin si Verzosa bilang reform manager ng PNP dahilan siya rin ang Executive Director ng PNP Program Management Office na siyang pangunahing nagsusuperbisa sa ipinatutupad na Integrated Transformation Program.
Inihabilin ni Razon kay Verzosa na ipagpatuloy ang magandang imahe ng Mamang Pulis.
Sinabi ni Razon na handa na siya sa kaniyang buhay sibilyan kung saan matapos siyang magretiro ay magbabakasyon muna siya sa piling ng kaniyang pamilya kung saan ay bukas siya sa panibagong posisyon sa gobyerno upang maipagpatuloy pa ang serbisyo sa mamamayan. (Rudy Andal at Joy Cantos)