Matapos ang maha bang deliberasyon, tuluyan nang naipasa ng Konseho ng Maynila ang ordinansa na naglalayong ipakulong ang mga magulang na mapapatunayang pinapayagan ang kanilang mga anak na manlimos at magtinda sa kalsada.
Sa ordinansang inihain ni Manila 4th District Coun. Amalia Tolentino, panahon na upang mabigyan ng proteksiyon ang mga batang nanlilimos at nagbebenta ng sampagita, sigarilyo at basahan kung saan nagiging front na rin ito ng prostitusiyon.
Agad na ipinasa ng konseho sa pangunguna ni Manila Vice Mayor Isko Moreno ang ordinansa kung saan paparusahan ang mga magulang sa pamamagitan ng mulang P2,000-P5,000 bukod pa sa pagkabilanggo na mula 6-buwan hanggang dalawang taon.
Sinabi ni Tolentino na bagama’t dumaranas ng hirap sa buhay ang isang pamilya, hindi dapat na pinababayaan ng magulang ang kanilang mga anak na magtinda at manlimos sa kalsada.
Aniya, wala man lamang umanong proteksiyon at seguridad ang mga bata na dapat ay nasa paaralan.
Tiniyak pa ni Tolentino na walang paliligtasin ang ordinansa kahit pa sabihing nasa “contained place” ang paslit tulad ng mga sari-sari store at katulad nito.
“Ang mga bata kapag tapos na ang eskwela ay dapat nasa loob ng kanilang bahay o naglalaro at ini-enjoy ang kanilang kamusmusan at hindi dapat na pinaghahanapbuhay ng kanilang mga magulang,” dagdag pa ni Tolentino. (Doris Franche)