Nasa kritikal na kondisyon ang isang Pinay matapos na madamay sa naganap na suicide bombing sa isang five-star hotel sa bansang Pakistan noong Sabado ng gabi.
Tumanggi muna si DFA spokesman Claro Cristobal na pangalanan ang Pinay na sinasabing kasal sa isang Pakistani at nagtratrabaho bilang receptionist sa pinasabog na Marriot Hotel.
“The Philippine Embassy is closely monitoring the case of a Filipino woman who is now in critical condition at the Pakistan Institute of Medical Sciences in Islamabad,“ ani Cristobal.
Kaugnay nito, nabatid na umaabot na sa mahigit 60 ang bilang ng mga nasawi sa naturang suicide bombing incident at pinaniniwalaang tataas pa ang naturang bilang habang tinatayang mahigit sa 250 katao ang nasugatan kabilang ang 21 dayuhan.
Sinasabing kabilang umano sa mga nasawi sa insidente ang Czech Ambassador to Pakistan na si Interior Ministry chief Rehman Malik.
Bagamat wala pa umanong grupo na umaako sa pambobomba, naniniwala naman ang mga awtoridad na kagagawan ito ng teroristang Al-Qaeda.
Isang malaking truck na nilagyan umano ng 500 kilo o 1200 pounds na high intensity explosives ang ginamit ng suicide bomber at pinasabog sa gate ng hotel.
Sa lakas ng pagsabog, nabasag pa umano ang mga bintana ng salamin ng mga kalapit na hotel at naging sanhi pa ito ng sunog sa Marriot Hotel na hanggang kahapon ng umaga ay naglalagablab pa.
Ayon sa mga awtori dad, itinaon ang pagpapasabog sa panahon na maraming pamilya na naghahapunan sa hotel kaya’t marami ang nabiktima nito.
Tiniyak naman ng DFA na pagkakalooban nila ng kaukulang tulong ang Pinay na nadamay sa pagpapasabog.